Paghahandog Sa Duke ng Béjar
Markes ng Gibraleón, Konde ng Benalcázar at Bañares, Biskonde ng La Puebla de Alcocer, Panginoon ng mga bayan ng Capilla, Curiel at Burguillos
Dahil sa mabuting pagtanggap at karangalang ibinibigay ng Inyong Ekselensiya sa lahat ng uri ng aklat, bilang prinsipeng hilig na hilig tumangkilik sa mabubuting sining, lalo na sa mga sining na dahil sa kanilang kamaharlikaan ay hindi nagpapakababa sa paglilingkod at pakinabang ng karaniwang madla, ipinasya kong ilathala ang Mapanlikhang Hidalgong si Don Quijote de la Mancha sa ilalim ng kalinga ng napakaningning na pangalan ng Inyong Ekselensiya. Taglay ang paggalang na utang ko sa gayong kadakilaan, isinasamo ko sa Inyong Ekselensiya na tanggapin ito nang maluwag sa inyong pagkalinga, upang sa inyong lilim, kahit hubad ito sa mahalagang palamuti ng kariktan at karunungan na karaniwang suot ng mga akdang binubuo sa tahanan ng mga taong marunong, ay mangahas itong humarap nang panatag sa paghatol ng ilang tao na, sapagkat hindi lumalampas sa hangganan ng kanilang kamangmangan, ay karaniwang humahatol nang may higit na bagsik at kulang na katarungan sa gawa ng iba. Sapagkat kung ibabaling ng kahinahunan ng Inyong Ekselensiya ang paningin sa aking mabuting hangarin, umaasa ako na hindi ninyo hahamakin ang kakapusan ng ganitong abang paglilingkod.
Miguel de Cervantes Saavedra.