Paghahandog Sa Alaala

ng mga Pari, Don Mariano GÓMEZ (85 taong gulang), Don José BURGOS (30 taong gulang) at Don Jacinto ZAMORA (35 taong gulang).

NA BINITAY SA BITAYAN NG BAGUMBAYAN,

noong ika-28 ng Pebrero, 1872.

Ang Relihiyon, sa pagtanggi nitong alisan kayo ng pagkapari, ay nagbigay-alinlangan sa krimeng ibinintang sa inyo; ang Pamahalaan, sa pagbalot sa inyong usapin ng hiwaga at dilim, ay nag-aakay sa paniniwalang may isang pagkakamaling nagawa sa mga sandaling kapaha-pahamak, at ang buong Pilipinas, sa pagpipitagan sa inyong alaala at sa pagtawag sa inyong mga martir, ay hindi kumikilala sa anumang paraan sa inyong pagkakasala.

Kaya nga, hangga’t hindi malinaw na napatutunayan ang inyong pakikilahok sa kaguluhan sa Cavite, naging makabayan man kayo o hindi, nagtaglay man kayo o hindi ng damdamin para sa katarungan, damdamin para sa kalayaan, may karapatan akong ihandog sa inyo ang aking akda bilang mga biktima ng kasamaang sinisikap kong labanan. At habang hinihintay naming ibalik ng Espanya balang araw ang inyong dangal at hindi na niya panindigan ang inyong kamatayan, magsilbi nawa ang mga pahinang ito bilang isang naantalang korona ng mga tuyong dahon sa inyong mga libingang walang nakaaalam, at ang sinumang sumalakay sa inyong alaala nang walang malinaw na katibayan, sa inyong dugo nawa’y mabahiran ang kanyang mga kamay!

J. RIZAL.